Humarap sa International Criminal Court (ICC) ang dating hepe ng isang kulungan sa Libya na si Khaled Mohamed Ali El Hishri kaugnay ng mga alegasyon ng war crimes at crimes against humanity na naganap umano sa Mitiga prison mula 2015 hanggang 2020.
Ayon sa mga prosecutor, si El Hishri ay pinaniniwalaang utak ng mga torture, sexual abuse, at pagpatay sa mga detainee sa naturang pasilidad. Kabilang umano sa mga biktima ang mga kababaihan at isang 15-anyos na lalaki.
Sinabi rin ng prosekusyon na maraming bilanggo ang nasawi dahil sa natamong “mistreating, sexually abusing, and killing detainees.”
Ang kasalukuyang pagdinig sa ICC ay hindi pa pormal na paglilitis. Layunin nitong alamin kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang full trial laban sa akusado. Maaaring aprubahan ng mga hukom ang pagsasampa ng kaso, ibasura ito, o baguhin ang mga paratang.
Liban dito mariing itinanggi ni El Hishri ang mga akusasyon at humiling ng kanyang paglaya.
Bahagi ang kaso ng mas malawak na imbestigasyon ng ICC sa mga krimen sa Libya kasunod ng 2011 uprising na nagpatalsik kay dating lider Muammar Gaddafi.
Samantala isa pang opisyal ng Libya na si Osama Almasri Najim ang kabilang din sa mga pinaghahanap kaugnay ng kahalintulad na mga alegasyon ng pang-aabuso sa kulungan, ngunit naging kontrobersyal ang kanyang kaso matapos umano siyang palayain ng mga awtoridad sa Italya.











