Tiniyak ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez na hindi niya palalampasin ang alegasyon laban sa kaniya.
Tinawag nito ang alegasyon na gawa-gawa lamang at malinaw na may halong pulitika.
Sa isang statement, sinabi ni Romualdez na siya ay nabigla sa paratang na may mga bagahe daw na may lamang pera na naihatid sa isang tirahan na konektado sa kanya.
Ayon kay Romualdez na imposible ang pahayag ni Orly Guteza na dating security aide ni Rep. Zaldy Co na may mga delivery sa McKinley sa Taguig City simula pa noong Disyembre 2024 dahil ang bahay ay ginagawa pa at walang naninirahan maliban sa mga construction workers.
Muling binigyang-diin ng dating house speaker na kailanman hindi siya tumanggap o nakinabang sa kickbacks sa anumang proyekto.
Hindi rin siya nagbigay ng utos o pahintulot para sa ganitong gawain.
Pagtiyak ni Romualdez na handa siyang sumailalim sa patas at tapat na imbestigasyon upang mapatunayan ang kanyang panig.
Kung maalala nagbitiw si Romuualdez bilang house speaker para ipakita ang suporta sa imbestigasyon sa mga isyu ng flood control.
Aniya, nanahimik siya bilang paggalang sa proseso, pero ngayon na nadawit na ang pangalan niya, ipagtatanggol niya ang sarili gamit ang ebidensya, hindi lamang sa salita.
Sinabi rin niyang hindi siya nagnakaw ng pera ng bayan at hindi niya kailangan ang pera mula sa maling paraan.
Ipinangako ni Romualdez sa sambayang Pilipino niya na hindi niya kailanman ipagkakanulo ang kanilang tiwala.