Mariing itinanggi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste ang paratang na iligal niyang nakuha ang tinaguriang “Cabral files” mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang statement, sinabi ni Leviste na lehitimo ang pagkakakuha niya ng mga dokumento noong Setyembre 4 at may pahintulot umano ni DPWH Secretary Vince Dizon.
Ginawa ng mambabatas ang paglilinaw kasunod ng paglabas ng CCTV footage na nagpapakitang bumisita si Leviste sa opisina ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Subalit, pinabulaanan naman ni Sec. Dizon ang pahayag na nagbigay siya ng pahintulot
Una rito, inakusahan si Leviste ng isang staff ng DPWH na iligal na kinuha at kinopya umano ang mga dokumento, bagay na itinanggi ng kongresista.
Ayon naman kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, maaaring magsilbing batayan ng ethics case laban kay Leviste ang insidente.
Sa kabila nito, nanindigan si Leviste at nanawagan na ituon ang imbestigasyon sa umano’y korapsyon sa DPWH.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkamatay ni Cabral, na nasawi noong Disyembre 18 matapos mahulog sa isang bangin sa Tuba, Benguet.











