Tumutol ang mga abogado ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways–Mimaropa sa testimonya ni state witness Henry Alcantara sa malversation case kaugnay ng road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Giit ng depensa, walang kaugnayan sa kaso ang kanyang affidavit at wala rin siyang personal knowledge sa mga proyektong sakop ng Mimaropa. Dahil dito, tumanggi silang i-cross-examine siya bilang protesta.
Gayunman, pinayagan ng korte, sa pangunguna ni Associate Justice Sarah Fernandez, ang kanyang testimonya at sinabing kailangang tingnan ang kabuuan ng ebidensya.
Ayon sa prosekusyon, tumestigo si Alcantara kaugnay ng umano’y usapan sa mga proyekto at alegasyong may kinalaman kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, at hindi bilang opisyal ng DPWH Bulacan office.
Nakatakdang humarap sa Anti-Money Laundering Council sa Abril 7 ang susunod na testigo sa kaso.











