Alam ba ninyo, mga Ka-Bombo? Hindi lahat, pero isa sa mga ayaw ng ilang kababaihan ay ang pagsusuot ng high heels.
Ngunit kabaligtaran ito para sa isang lalaki mula sa Spain na tinalo pa ang ilang kababaihan matapos siyang makapagrehistro ng world record sa pagtakbo nang paatras habang nakasuot ng high heels.
Pasabog ang naging performance ni Christian Roberto López Rodríguez matapos niyang malampasan ang sarili niyang rekord sa pagtakbo ng 100 metro paatras habang naka-high heels. Dati ay 20.05 seconds ang kanyang naitala, ngunit ngayon ay naitala niya ito sa mas mabilis na 16.55 seconds.
Para maging opisyal ang rekord, kailangan nakasuot si Rodríguez ng takong na may taas na 2.76 inches at may lapad na 0.59 inches sa dulo — na matagumpay naman niyang nagawa.
Kilalang-kilala na siya bilang isang “serial Guinness World Record-breaker.” Sa kasalukuyan, hawak niya ang 80 world titles, kabilang na ang pinakamabilis na 400 meters na takbo habang naka-clogs, sa bilis na 1 minuto at 1.38 segundo.