Na-displace ang lagpas sa 1.2 million o katumbas ng mahigit 367,000 pamilya dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Crising at habagat sa bansa.
Base sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong gabi ng Lunes, ang mga apektadong pamilya ay mula sa 2,090 barangays sa Metro Manila, Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao region, Soccsksargen, Caraga at Cordillera Administrative Region.
Sa ngayon, mayroong 15,373 indibidwal ang kasalukuyang nasa 271 evacuation centers (ECs), habang 71,527 indibidwal naman ang tinutulungan sa labas ng ECs.
Tuluy-tuloy naman ang pamamahagi ng pamahalaan ng tulong para sa mga sinalanta ng mga kalamidad kung saan mahigit P53 million ang halaga na ng naipamahaging tulong.
Liban dito, ipinag-utos na ni DSWD Sec. Rex Gatchalian sa field offices na bantayan ang sitwasyon ng mga na-stranded sa mga pantalan sa bansa.
Nananatili namang nakataas sa red alert ang ahensiya para imonitor ang sitwasyon sa ground lalo na sa mga apektadong mga lugar.