-- ADVERTISEMENT --

Pinabulaanan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang kumakalat na ulat online na may bagong pagbabago umano sa pamunuan ng Senado, na nagsasabing si Senador Alan Peter Cayetano ay may sapat na bilang para maging Senate President.

Ayon kay Lacson, ang naturang ulat ay “peke” at may layuning manlinlang at manggulo. Tinawag pa ng senador na na “Faky Breaky News,” na aniya’y desperado at malisyosong hakbang.

Paliwanag niya, ang wastong proseso sa pagpapalit ng liderato ay dapat ginagawa sa loob ng Senado at hindi sa pamamagitan ng mga pekeng media outlet.

Matatandaan na muling nahalal si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President, kapalit ni Senador Francis “Chiz” Escudero, sa pamamagitan ng mosyon ni Senador Migz Zubiri. Sinuportahan ito nina Senadora Loren Legarda at iba pang miyembro ng mayorya.

Samantala, nilinaw ni Senador Sherwin Gatchalian na wala nang bagong pagbabago sa liderato at nais ng mayorya ng mga senador na manatiling matatag ang Senado lalo na sa gitna ng mga isyu tulad ng umano’y anomalya sa flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, nanindigan naman si senador Alan Peter Cayetano at ang minority bloc na hindi agad susuportahan ang binubuong independent commission para imbestigahan ang mga umano’y ghost projects hangga’t hindi ito ligtas sa impluwensiya ng pulitika at malalaking negosyo.