Dumating na sa Villamor Airbase sa Pasay City ang mga labi ng apat na miyembro ng Philippine Air Force (PAF) na nasawi sa pagbagsak ng kanilang Super Huey helicopter sa Loreto, Agusan Del Sur noong Nobyembre 4.
Pinangunahan ni PAF Commanding General, LtGen. Arthur Cordura, ang pagtanggap at paggawad ng Heroes Honor kina Captain Paulie Dumagan, Second Lieutenant Royce Louis Camigla, Sergeant John Christopher Golfo, at Airman First Class Ericson Merico.
Sinalubong din sila ng kanilang mga pamilya at mga kasamahan mula sa 505th Search and Rescue Group.
Ang bawat isa sa mga bayani ay nakatanggap ng posthumous award at distinguished aviation cross. Sila ay bahagi ng 505th Search and Rescue Wing ng PAF.
Tiniyak ng PAF na bibigyan ng tulong ang mga naulilang pamilya, kabilang ang katumbas na anim na buwang sahod ng mga nasawing miyembro.











