Pinagtibay ng Korte Suprema ang bisa ng batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Disyembre 1, 2025 patungong Nobyembre 2026.
Ito ay matapos tanggihan ng Korte ang petisyon ni Atty. Romulo Macalintal, na nagsabing labag ito sa karapatan ng mamamayan na bumoto.
Subalit, giit ng Korte na hindi nilalabag ng batas ang karapatan ng mga botante, dahil hindi naman nito inaalis ang eleksyon, kundi binabago lamang ang pagitan mula tatlong taon tungo sa apat na taon.
Saad pa ng Kataas-taasang hukuman na sa ilalim ng Konstitusyon, ang Kongreso lamang ang may kapangyarihang magtakda ng haba ng termino ng mga barangay official, at kasama rito ang kapangyarihang magtakda kung kailan magsisimula ang bagong termino, basta’t ito ay makatuwiran.
Bunsod nito, mapapalawig pa ang termino ng mga kasalukuyang lokal na opisyal. Base sa desisyon, mananatili sa puwesto ang mga incumbent officials hanggang sa maihalal ang kanilang kapalit.
Ayon sa Public Information Office ng SC, ang susunod na BSKE ay gaganapin tuwing ikaapat na taon matapos ang Nobyembre 2026.











