Itinanggi ng isang kontraktor ang pagbibigay ng kickback kay Senator Jinggoy Estrada sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomaliyang flood control projects ngayong Huwebes, Setyembre 18.
Ito ay matapos akusahan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineer Brice Hernandez ang kinatawan ng WJ Construction na si Mina Elamparo-Jose na naghatid umano ng kickbacks sa Senador.
Subalit, itinanggi naman ito ng naturang representative ng WJ Construction. Aniya, hindi siya kailanman nasangkot sa anumang iligal na aktibidad, hindi din siya nagbigay o tumanggap ng anumang pera mula sa sinumang public official o empleyado ng gobyerno maski kay Brice Hernandez.
Wala din aniyang basehan at malisyoso ang mga akusasyong ibinabato laban sa kaniya at sa WJ Construction.
Matatandaan, nauna ng nadawit ang pangalan ni Jose sa isinagawang hiwalay na pagdinig ng Infrastructure Committee ng House of Representatives, kung saan inilabas ni Hernandez ang umano’y text conversation noong Disyembre 2022 sa pagitan niya at ng isang nagngangalang Beng Ramos na umano’y staff ni Sen. Estrada.
Dito, sinabi ni Hernandez na may proyektong binigay si Henry Alcantara kay Beng Ramos sa pamamagitan ni Mina ng WJ Construction. Kasama din aniya sa kanilang pag-uusap kung kalian maipapadala ang obligasyon dahil kailangan ng kaniyang boss na si Alcantara.
Subalit nilinaw naman ni Elamparo-Jose na ang delivery na nabanggit sa kaniyang text message ay mga dokumento para sa joint venture at hindi bayad.