-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Veronica “Kitty” Duterte na “alive and well” ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kaniyang pagbisita sa dating Pangulo kahapon sa International Criminal Court detention facility sa The Hague, Netherlands.

Sa isang panayam, natanong ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang bunsong anak ni dating Pangulong Duterte hinggil sa kalusugan ng dating Pangulo partikular na ang kaniyang pisikal na kalagayan.

Subalit tumangging magbigay ng detalye si Kitty Duterte dahil pinayuhan aniya sila na huwag munang magbahagi ng impormasyon kaugnay sa kanilang pagbisita. Gayunpaman, dahil 80 anyos na rin ang dating Pangulo, karaniwan na aniya na may mga iniindang sakit subalit sa kabila nito masasabi niyang malakas pa rin ang kaniyang ama sa kabila ng kaniyang edad.

Nauna na ngang kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) maging ng prosecution at defense counsel ng dating Pangulo na si Nicholas Kaufman na postponed na o ipinagpaliban muna ang nakatakdang confirmation of charges kay dating Pangulong Duterte sa Setyembre 23 dahil ayon sa defense, hindi “fit” na humarap sa paglilitis ang dating Pangulo.

Nitong Martes naman, muling humiling ang defense counsel ng dating Pangulo para sa kaniyang interim release sa Pilipinas dahil sa “deteriorating” o humihinang kalusugan ng dating Pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, pinasalamatan din ni Kitty Duterte ang supporters ng kaniyang ama na nagpaplanong magtipun-tipon sana sa araw ng confirmation of charges ng dating Pangulo sa The Hague para ipakita ang kanilang suporta.

Sa kasalukuyan, nasa anim na buwan na o kalahating taon ng nakakulong ang dating Pangulo sa Scheveningen prison sa The Hague, dahil sa inaakusa laban sa kaniya na crimes against humanity may kinalaman sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng kaniyang madugong kampaniya kontra sa iligal na droga dito sa Pilipinas.