-- ADVERTISEMENT --

Kumpiyansa si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nalalapit nang mabigyang linaw ang kaso ng mga nawawalang sabungero gayong mga ilang buto na ang hinihinalang mula sa human remains.

Sa isang panayam sa kaniyang naging pagbisita sa Kampo, naniniwala ang kalihim na ang pagkatukoy sa anim na buto na hinihinalang mula sa tao ang makakapaglapit sa resolusyon sa kaso ng mga sabungero.

Ani Remulla, kung mapatunayang mula talaga sa tao ang mga naturang buto, ito aniya ang magpapatunay na ang mga sinasabi ni Julie “Dondon” Patidongan o alyas “Totoy” sa kaniyang mga sinumpaang salaysay ay pawang mga katotohanan.

Dagdag pa ni Remulla, hawak na aniya nila at ng iba pang katuwang na ahensya ang ibang mga ebidensya na susuporta sa kaso gaya na lamang ng mga videos ng mismong pagdukot, larawam at maging ang force confessions na siyang magpapatunay sa tinatawag ni Remulla na “Grand Conspiracy”.

Samantala, kung ang hinihinalang hip bone naman na nahanap mula sa Taal Lake ay magmatch sa isa sa mga DNA ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero, ay magiging kongkreto na ang mga pahayag na susuporta sa magiging konklusyon sa naturang kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod nito ay tiniyak naman ni Remulla na sila mismo ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III ang aaresto sa mga sangkot na indibidwal kapag napatunayan ang kanilang partisipasyon sa pagkidnap at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.

Muli namang binigyang diin ng kalihim na ang proseso ng imbestigasyon ay magiging “no sacred cows” o walang sasantuhin kahit pa mayor, governor o maski senador ang mapatunayang sangkot sa kaso na ito.

Sa kasalukuyan naman ay hawak na ng Department of Justice (DOJ) sa pangunguna ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang listhan ng mga personalidad na siyang miyembro umano ng Alpha Group na siyang nakasaad sa isinumiteng listahan ni Patidongan.

Dadaan naman sa beripikasyon pa ang mga naturang pangalan upang masiguro na makakasuhan ang mga sangkot at may kinalaman sa kaso ng mga sabungero.