Pumalo na sa 235 ang naitalang kaso ng mga nasugatan dahil sa paputok kaugnay ng pagdiriwang ng bagong taon, ayon sa Department of Health (DOH) mula December 21, 2025 hanggang January 1, 2026.
Batay sa inilabas na datos ng ahensya, 62 kaso ng mga nasugatan dahil sa paputok ang naitala sa bisperas ng bagong taon, December 31.
Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, inaasahan pa ng ahensya na madaragdagan ang kabuuang bilang ng mga biktima ng paputok sa unang linggo ng taon, mula January 1 hanggang 5.
Hinimok din ng opisyal ang publiko na lahat ng mga naputukan ng paputok, kahit gaano kaliit ang sugat, ay huwag isawalang-bahala at agad dalhin sa pinakamalapit na ospital upang maiwasan ang tetanus.
Samantala, mas mababa ng 42% ang mga naitalang kaso ngayong taon kumpara noong nakaraang taon na umabot sa 403.
Lumabas din sa datos ng ahensya na karamihan sa mga biktima ay nasa edad na 19 taong gulang pababa.











