-- ADVERTISEMENT --

Bahagyang tumaas ang mga kaso ng dinadapuan ng sakit na dengue sa bansa noong buwan ng Hulyo ng kasalukuyang taon.

Base sa datos ng Department of Health (DOH), naobserbahan ang paglobo ng kaso ng dengue sa 15,091 mula Hulyo 13 hanggang Hulyo 26, na dalawang linggong pananalasa ng magkakasunod na bagyong Crising, Dante at Emong na sinabayan pa ng epekto ng hanging habagat.

Mas mataas ito ng pitong porsyento mula sa naitalang kaso noong Hunyo 29 hanggang Hulyo 12 na pumalo sa 14,131.

Sa kabila nito, naka-alerto ang ahensiya sa mga kaso ng dengue sa bansa at nananatiling aktibo din ang dengue fastlanes sa mga ospital ng DOH.

Patuloy ding pinagiingat ng ahensiya ang publiko laban sa sakit sa pamamagitan ng paglilinis sa mga lugar na maaaring mapag-ipunan ng tubig na maaaring pangitlugan ng lamok na nagkakalat ng dengue.

-- ADVERTISEMENT --

Payo din ng ahensiya na sakaling makaranas ng lagnat sa loob ng dalawang araw at makaramdam ng sintomas gaya ng pantal, pananakit ng katawan o kalamnan at mata, pagkahilo, at pagsusuka ay agad na magpakonsulta sa health center o sa dengue fast lanes.