-- ADVERTISEMENT --

Walang natatanggap na impormasyon ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa umano’y arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ayon sa abogado nig dating Pangulo na si Nicholas Kaufman, hindi logical kung may bagong warrant habang nakabinbin pa ang apela na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.

Matatandaan kasi noong Mayo, iginiit ng depensa ni Duterte na hindi na dapat usigin ng ICC ang dating pangulo dahil umatras na ang bansa sa Rome Statute.

Ginawa ng kampo ng dating Pangulo ang paglilinaw matapos sabihin ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque at Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mayroon ng umiiral na arrest warrant laban kay Dela Rosa, bagama’t hindi ito kinumpirma o sinamahan ng dokumento.

Nauna na ring naghain si Dela Rosa ng urgent plea sa Korte Suprema para sa temporary restraining order laban sa sinasabing arrest warrant.

-- ADVERTISEMENT --

Simula Nobyembre 11, hindi na dumadalo si Dela Rosa sa Senate sessions.

Tumanggi naman ang ICC noong Nobyembre 10 na kumpirmahin ang existence ng warrant.

Si Dela Rosa, na nagsilbing PNP chief, ang lumagda sa Project Double Barrel, ang pangunahing polisiya sa drug war noong administrasyon Duterte.