Nananawagan ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na payagan siyang makauwi sa Pilipinas sakaling ibigay ng International Criminal Court (ICC) ang hinihiling nilang interim release o pansamantalang pagpapalaya.
Ayon kay Atty. Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte, ang patuloy na paghina ng kalusugan ng dating Pangulo habang nakakulong sa ICC ay nakaaapekto sa kanyang kakayahang makapagbigay ng maayos na utos at ebidensya para sa kanyang depensa.
Sa inilabas na anunsyo ng ICC kagabi, Setyembre 8, ipinagpaliban ang confirmation of charges hearing laban kay Duterte, na orihinal na itinakda sa Setyembre 23.
Dumating ang desisyong ito matapos ihayag ng kampo ni Duterte na hindi na siya “fit to stand trial” dahil sa kanyang kondisyon.
Sa kabila nito, dismayado naman ang mga pamilya ng mga umano’y biktima ng drug war sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.
Para sa kanila, ang desisyong ito ng ICC ay isa na namang balakid sa kanilang pagnanais na makamit ang hustisya.