Inaprubahan na ng House of Representatives nitong Miyerkules ang panukalang 2026 budget ng Office of the Ombudsman, Judiciary, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Dangerous Drugs Board (DDB), Games and Amusements Board (GAB), at Philippine Sports Commission (PSC) matapos ang plenary deliberations.
Isinulong ni Quezon Rep. Keith Micah Tan ang panukalang ₱6.67 bilyon na budget ng Office of the Ombudsman para sa 2026. Binubuo ito ng ₱6.23 bilyon mula sa rekomendasyon ng DBM, ₱159.158 milyon sa bagong appropriations, at ₱280 milyon na karagdagang pondo mula sa Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc).
Ayon kay Tan, ang pondo ay gagamitin para sa mga programa ng Ombudsman laban sa korapsyon, kabilang na ang imbestigasyon, pagpapatupad, public assistance, at prevention.
Ipinagtanggol ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang panukalang ₱67.77 bilyon na budget ng Judiciary para sa 2026. Nadagdagan ito ng ₱1.317 bilyon, kaya umabot sa kabuuang ₱69.27 bilyon.
Binigyang-diin ni Rodriguez ang pagpapatupad ng mga reporma sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations (SPJI) 2022–2027, kabilang ang Philippine Judiciary Platform, e-Court PH, e-payment systems, online bar registration, at modernisasyon ng mga korte.
Nabanggit din niya na humiling ang Judiciary ng karagdagang ₱21.76 bilyon para sa mga pangangailangan ng mga korte.
Inisponsoran ni Marikina Rep. Marcelino Teodoro ang panukalang ₱4.531 bilyon para sa PDEA at ₱490.085 milyon para sa DDB.
Ayon kay Teodoro, ang apat na pangunahing layunin ng PDEA at DDB ay Palawakin ang preventive education at community-based rehabilitation, I-modernisa ang enforcement gamit ang makabagong kagamitan at pagsasanay, Palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya at LGUs, at Itaguyod ang internasyonal na kooperasyon laban sa transnational drug trafficking.
Tinanong naman ni ML Party-list Rep. Leila de Lima ang DDB tungkol sa mga rekomendasyon nitong polisiya na nagsusulong ng human rights–based approach sa kampanya kontra ilegal na droga. Inamin ni Teodoro na may mga limitasyon ang kasalukuyang mga batas at wala pang executive order para sa isang institusyonalisadong polisiya. Iminungkahi niya ang paglalabas ng bagong EO para sa supply at demand reduction at para sa mga serbisyong pangkalusugan at panlipunan.
Inisponsoran ni Biliran Rep. Gerardo Espina Jr. ang panukalang ₱151 milyon na budget ng Games and Amusements Board (GAB) na agad ding inaprubahan.
Si Espina rin ang nagpresenta ng ₱1.1 bilyong budget para sa Philippine Sports Commission (PSC). Tinanong ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay kung sapat ang naturang pondo. Ayon kay Espina, hindi pa rin ito sapat, ngunit may planong ₱5,000 dagdag sa buwanang allowance ng mga atleta simula Hulyo 2025.
Dagdag pa niya, may mga programa ang PSC para sa kababaihan, persons with disabilities, at katutubong komunidad, kabilang na ang mga gender and development activities at larong katutubo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.