Inaprubahan ng Department of Budget and Management ang pag-release ng karagdagang P5 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations program na inaasahang ang makikinabang ay aabot sa 411,188 benepisyaryo mula ngayong Oktubre hanggang Disyembre ngayong taon.
Ayon kay DBM Secretary Amenah F. Pangandaman, ang pondong ito ay inilaan upang tugunan ang kakulangan sa badyet sa ilalim ng Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances ng Department of Social Welfare and Development.
Ang inilabas na allotment at katumbas nitong Notice of Cash Allocation ay sisingilin sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
“Ang pagpapalabas na ito ay patunay kung gaano kahalaga ang unprogrammed appropriations bilang fiscal buffer na nagbibigay-kakayahan sa pamahalaan na mabilis na tumugon sa mga pangangailangang panlipunan at makataong sitwasyon,” pahayag ni Pangandaman.
Binigyang-diin niya na kailangan ng gobyerno ang unprogrammed funds para sa mabilisang pagtugon sa panahon ng sakuna at kalamidad.
“Ang unprogrammed appropriations ay hindi po lihim o discretionary funds, kundi mga standby appropriations na inaprubahan ng Kongreso. Maaaring magamit lamang ang mga pondong ito kapag mayroong sobrang kita, bagong revenue measures, o aprubadong loan agreements para sa mga proyektong pinopondohan ng dayuhan,” paliwanag ng kalihim.
Nakaiskedyul na dumalo si Pangandaman ngayong araw, Oktubre 14, 2025, sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure upang magbigay ng ekspertong paliwanag hinggil sa proseso ng National Expenditure Program at General Appropriations Act.
Inimbitahan siya ng ICI upang ipaliwanag kung paano inilalabas ang unprogrammed funds at linawin ang mga kahilingan, panukala, at dokumentong isinumite sa DBM ng Department of Public Works and Highways na nais maisama sa NEP.
“Ang UAs ay nagsisilbing fiscal buffer na nagbibigay-daan sa pamahalaan na tumugon sa mga di-inaasahang pangangailangan o agarang pambansang prayoridad nang hindi nilalabag ang fiscal program na inaprubahan ng Kongreso,” giit ni Pangandaman.
Ipinaliwanag din niya na sa mga karaniwang pagkakataon, ginagamit ang unprogrammed funds para sa tulong sa mga magsasaka ng palay, mga programang panlipunan tulad ng AICS at Food Stamp Program ng DSWD, subsidiya sa edukasyon, imprastrakturang pangkalusugan, benepisyo ng mga kawani, renewable energy, at modernisasyon ng sandatahang lakas.
“Ngunit pinakamahalaga ang unprogrammed funds sa panahon ng mga kalamidad, dahil ito ang nagsisilbing lifeline ng pamahalaan para sa mabilis na relief at recovery response,” aniya.
Ibinahagi rin ng kalihim na sa panahon ng pandemya ng COVID-19, mabilis na nagamit ng pamahalaan ang unprogrammed funds para pondohan ang mga serbisyong pangkalusugan, proteksiyong panlipunan, at pagbangon ng ekonomiya, at noong 2024 ay ginamit din ito sa mga proyektong pang-agrikultura, edukasyon, kalusugan, at imprastraktura na nakapaloob sa GAA.
Sa pagharap niya ngayon sa ICI, inaasahang ipaliliwanag ni Pangandaman ang proseso ng pambansang badyet – mula paghahanda, paggawa ng batas, pagpapatupad, hanggang sa pananagutan – na aniya’y hindi nagbibigay ng anumang puwang para sa DBM na makialam sa tinatawag na “budget insertion.”
“Walang kapangyarihan ang DBM na magpasok ng insertions sa pambansang badyet. Ang mga tinatawag na Congress-Introduced Changes and Adjustments (CICAs) ay nagaganap hindi sa paghahanda ng NEP kundi sa Bicameral Conference Committee deliberations sa pagitan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso,” paliwanag ng kalihim.
Binigyang-diin pa ni Pangandaman na sa ilalim ng Konstitusyon, nasa Kongreso ang tinatawag na power of the purse.
“Kapag naisumite na ng Pangulo ang panukalang NEP sa Kongreso, limitado na lamang ang papel ng Ehekutibo – sa pamamagitan ng DBM – sa pagpapaliwanag, paglilinaw, at pagtatanggol sa mga nakasaad na alokasyon. Ang kapangyarihang magdagdag, magbago, o mag-amyenda ng mga item ay eksklusibong nasa sangay ng lehislatura,” paliwanag pa ni Pangandaman.