Muling pinabilib ng Filipino-American singer na si Jessica Sanchez, na siyam na buwang buntis, ang mga hurado at kanyang mga tagasuporta matapos niyang kantahin ang Golden Hour para sa semi-finals ng America’s Got Talent.
Pinuri ng mga hurado na sina Sofia Vergara, Simon Cowell, Mel B, at Howie Mandel ang talento ng Filipina-American. Ayon sa kanila, tama ang naging pagpili ni Jessica ng kanta at inihalintulad pa nila ang kanyang tinig sa boses ni Mariah Carey.
Dagdag pa ng mga hurado, napakahiwaga at espesyal ang boses ni Jessica, at naging isang “magical moment performance” ang kanyang pagpapakita ng talento.
Ipinahayag din ng mga hurado ang kanilang paghanga kay Jessica, at ayon sa kanila, marami ang bumibilib at nagkakagusto sa Filipino-American singer.
Matatandaang nakatanggap ng Golden Buzzer si Jessica Sanchez noong siya’y sampung taong gulang pa lamang, at naging runner-up din siya sa American Idol Season 11.