Isang driver ng pampasaherong jeep ang nasawi habang 10 ang iba pang sugatan sa nangyaring banggaan ng jeep at truck sa national highway sa Barangay Ibabao, Cuenca, nitong Miyerkules ng umaga, Agosto 13.

Ayon sa ulat ng Cuenca Municipal Police Station, naganap ang aksidente bandang alas-4:54 ng madaling araw.
Papunta sanang Lipa City ang jeepney nang salubungin ito ng isang truck na may kargang caustic powder.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na mabilis ang takbo ng truck at bigla itong lumihis sa kabilang linya, dahilan para mabangga ang kaliwang bahagi ng jeep.

Dahil sa lakas ng impact, tumaob ang jeep na may sakay na ilang pasahero.
Isinugod sa Martin Marasigan District Hospital ang jeepney driver, ngunit idineklarang dead on arrival.
Dinala rin sa parehong ospital ang mga sugatang pasahero, at ilan sa kanila ay inilipat sa ibang pagamutan para sa karagdagang lunas.
Tumakas naman ang driver ng truck matapos ang insidente.
Kinilala siyang si Renato, 48, mula sa Bustos, Bulacan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at pagtugis sa tumakas na truck driver.