Matagumpay na nakabalik sa Earth ang mga astronaut ng International Space Station (ISS) Crew-11 matapos ang maagang pagtatapos ng kanilang mission, nang mag-splashdown ang SpaceX Dragon Endeavour capsule sa karagatang pasipiko sa baybayin ng San Diego nitong Enero 15.
Isinagawa ang parachute-assisted splashdown dakong alas-3:41 ng umaga (local time), matapos humiwalay ang kapsula sa Harmony module ng ISS alas-5:20 ng hapon noong Enero 14.
Kinilala ang NASA astronauts na sakay ng mission na sina Zena Cardman (commander) at Mike Fincke (pilot), kasama ang mission specialists na sina Kimiya Yui ng Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) at Oleg Platonov, isang Russian cosmonaut.
Nabatid na ang maagang pagbabalik ng Crew-11 ay bunsod ng isang hindi isiniwalat na medical issue na kinasangkutan ng isa sa mga tripulante.
Matatandaan na inanunsyo ng NASA noong Enero 8 na tatapusin nang mas maaga ang mission, ngunit hindi pinangalanan ang apektadong astronaut.
Matapos ang splashdown, isinailalim ang mga crew member sa paunang medical checks sakay ng recovery vessel. Inaasahang dadalhin muna sila sa pampang bago lumipad patungong Johnson Space Center sa Houston.
Inilunsad ang Crew-11 patungong ISS noong Agosto 1, 2025, at dumating sa orbital laboratory makalipas ang isang araw para sa orihinal na planong anim na buwang misyon.










