-- ADVERTISEMENT --

Itinanggi ng mga awtoridad sa Iran ang mga pahayag na hindi na nito kayang suportahan ang kaniyang mga regional na kaalyado, bagama’t inamin ng bansa na nagdudulot ng matinding hamon sa pananalapi ang mga sanction ng United States at ang umiiral na digmaan.

Ayon kay US Central Command chief Brad Cooper, ang mga ataking militar at naval blockade sa mga daungan ng Iran ay nakasira nang husto sa ekonomiya nito, kung saan naharang ng US ang humigit-kumulang $25 bilyong halaga ng crude exports at na-freeze ang $350 milyong cryptocurrency assets ng bansa.

Dahil dito, iginiit ng US na nahihirapan na ang Iranian Revolutionary Guard Corps (IRGC) at mga alyadong grupo tulad ng Hezbollah sa Lebanon at Houthis sa Yemen na magbayad ng suweldo sa kani-kanilang mga sundalo.

Sa kabila ng projected 7.7 percent contraction ng ekonomiya ng Iran para sa fiscal year 2026-27 ayon sa World Bank, pinasinungalingan ni Central Bank chief Abdolnaser Hemmati ang mga ulat ng pagbagsak ng kanilang ekonomiya.

Binigyang-diin naman ni President Masoud Pezeshkian na sa kabila ng mga suliraning dulot ng blockade, aasahan ng bansa ang sariling kakayahan at itataas ang suporta sa mga mamamayan sa pamamagitan ng electronic food vouchers.

-- ADVERTISEMENT --