Inihayag ng mga pamilya ng mga napatay sa mga kilos-protesta sa Iran na humihingi umano ng malaking halaga ng pera ang Iranian authorities kapalit ng pagbabalik sa mga labi ng mga nasawing protesters.
Ang mga labi umano ng mga protester ay naka-hold sa mga punerarya at ospital at hindi inilalabas o ibinibigay ang mga labi sa kanilang pamilya hangga’t walang ibinibigay na pera.
Base sa isang pamilya sa northern city ng Rasht, nagdemand ng 700 million tomans ang security forces para ma-release ang labi ng kanilang mahal sa buhay, na naka-hold sa may Poursina Hospital mortuary kasama ang 70 iba pang nasawing protesters.
Samantala sa Tehran naman na kabisera ng Iran, isang pamilya ng Kurdish seasonal construction worker ang hiningan ng isang bilyong tomans upang makuha ang labi ng nasawing protester.
Subalit dahil sa hindi nila kayang maibigay ang hinihinging pera, napilitan silang umalis nang hindi nakukuha ang labi ng kanilang mahal sa buhay.
Sa ngayon, kabuuang 2,435 katao na ang napatay sa mahigit dalawang linggo ng protesta sa Iran.











