-- ADVERTISEMENT --

Inumpisahan na ng Philippine National AIDS Council (PNAC) ang pag-aaral sa posibilidad na dalhin na sa bansa ang lenacapavir, isang injectable na gamot para sa HIV prevention na inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) at tinuturing na “gamechanger” laban sa HIV.

Ayon kay PNAC Executive Director Jojo Feliciano, kasalukuyang nagsasagawa ng cost-benefit analysis ang isang technical working group upang masuri ang bisa at halaga ng lenacapavir.

Bagama’t maganda ang resulta ng mga pag-aaral sa naturang gamot, aminado si Feliciano na magiging malaking usapin ang presyo.

Sinabi rin ni Neoman Roxas ng AIDS Healthcare Foundation Philippines na ang Global Fund Country Coordinating Mechanism ay nagtatrabaho upang makakuha ng unang batch ng lenacapavir at simulan ang proseso para sa FDA approval.

“Hopefully, next year, meron tayong ilang supplies na pwedeng ma-test dito sa Philippines,” ani Roxas.

-- ADVERTISEMENT --

Kamakailan, opisyal nang inirekomenda ng WHO ang lenacapavir bilang opsyon sa pre-exposure prophylaxis (PrEP). Isa itong long-acting injectable na maaaring iturok tuwing anim na buwan, at alternatibo sa araw-araw na pag-inom ng tableta.

Sa gitna nito, patuloy ang panawagan ni Health Secretary Ted Herbosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara na ng public health emergency on HIV, kasunod ng 564% pagtaas ng bagong kaso mula 2010 hanggang 2024, lalo na sa hanay ng mga kabataang Pilipino.