Sa oras na buwagin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), ipagpapatuloy ng ipinapanukalang Independent People’s Commission (IPC) ang imbestigasyon kaugnay ng mga maanomalyang proyekto sa bansa.
Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III matapos ihayag kamakailan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na naniniwala siyang may isa hanggang dalawang buwan na lamang ang ICI bago tuluyang maipasa sa kanyang tanggapan ang mga iniimbestigahang kaso.
Ayon kay Sotto, nasa ikalawang pagbasa na sa Senado ang panukalang IPC kaya maaaring ipagpatuloy na lamang nito ang nasimulang imbestigasyon ng ICI sa oras na mabuwag ang komisyon.
Nilinaw din ng pangulo ng Senado na magkaiba ang mandato at kapangyarihan ng ICI sa isinusulong niyang IPC.
Ayon sa kanya, ang ICI ay nilikha ng executive branch upang magsagawa lamang ng imbestigasyon at mangalap ng impormasyon.
Hindi aniya ito dapat asahan na magsasampa ng kaso dahil wala itong prosecutorial powers, subpoena authority, o kapangyarihang mag-contempt.
Taliwas sa ICI, ang IPC ay magkakaroon ng prosecutorial power, power of subpoena at contempt, at mas malawak na saklaw—hindi lamang sa infrastructure kundi sa lahat ng uri ng katiwalian.
Iminungkahi rin ni Sotto na palawakin sa pitong miyembro ang komisyon, kabilang na ang mga kinatawan mula sa DOJ at Ombudsman para maging diretsahan ang proseso ng paghawak ng kaso. Target niyang ang ulo ng IPC ay isang dating Chief Justice, bagaman ang Presidente pa rin ang pipili ng mga miyembro.











