Pabor ang ilang senador na sa Agosto 4 na o isang linggo pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, nagkaroon ng informal talks o pag-uusap ang ilang senador kasama si Senate President Francis “Chiz” Escudero kung kailan maaaring mag-convene ang Senado bilang impeachment court.
Tiyak aniyang tatanungin pa ni Escudero ang mga senador tungkol dito at para kay Villanueva, kumporme siyang simulan ang paglilitis isang linggo matapos ang SONA ng pangulo.
Paliwanag ng senador, kailangang maayos muna ang kanilang mga sarili para sa paghahalal ng lider ng 20th Congress, committee chairmanship, at ganito rin ang gagawin ng kanilang counterpart sa Kamara.
Gayunpaman, nilinaw ni Villanueva, wala pang pinal na desisyon kaugnay ng panukala ngunit apat hanggang anim na senador na ang nagpahayag ng kanilang pagsang-ayon na sa August 4 na mag-convene.
Magugunitang naglabas ng proposed calendar si Escudero para sa nalalapit na impeachment proceedings laban kay VP Sara.
Batay sa naturang kalendaryo, nakatakda ang panunumpa ng mga bagong halal na senator-judges sa Hulyo 29, habang magsisimula naman ang paglilitis kinabukasan, Hulyo 30.
Ayon kay Escudero, target ng Senado na masunod ang iskedyul, at dahil may sapat na oras ang parehong panig—ang prosekusyon at depensa—upang maghanda, hindi umano palalampasin ang anumang tangkang pagpapabagal sa proseso.