-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Atty. Richard Anthony Fadullon, prosecutor general ng National Prosecution Service na bukod sa mag-asawang Discaya ay ‘selective’ din umano ang ilang mga testigong lumalapit sa Department of Justice.

Naniniwala si Prosecutor General Fadullon na ilan sa mga ito’y di’ pa inilalahad ang kanilang buong mga nalalaman ukol sa flood control projects anomaly.

Kung saan aniya’y ang ibang testigo ay mayroong mga pinipili sa kung sino at anu-anong mga pangalan lamang ang kanilang idadawit na sangkot sa isyu ng korapsyon.

Ayon kay Atty. Fadullon, ang tawag rito’y selective memory o selective amnesia dahil ang ilan sa mga ito ay nakakalimot bigla kapag tinanong na ng sino at magkano patungkol sa kanilang mga nalalaman.
Alinsunod rito’y inihayag ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na hindi kaagad sila maniniwala sa kung anong mga ‘testimonya’ ang ibabahagi sa kanila ng mga lumantad na testigo.

Dadaan pa aniya ito sa mga ebalwasyon nang sa gayon ay matiyak ang detalye at impormasyon sakaling umandar at matuloy sa korte ang kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Ito’y kahit pa aminado ang naturang opisyal na ‘lost’ umano ang lahat lalo na paghdating sa aspeto ng pag-tell all ng mga testigo na kadalasang nababanggit.

Buhat nito’y pakiusap ni Atty. Fadullon sa mga testigo na sabihin at ilantad na sa kagawaran ang lahat ng kanilang mga nalalaman ukol sa flood control projects anomaly.

Ngunit kung hindi naman aniya’y hiling niya na tumahimik nalang sapagkat di’ magiging kapani-paniwala ito lalo na’t may pinipili lamang sila na ilaglag o idawit na mga pangalan.