-- ADVERTISEMENT --

Posibleng magsampa ng ethics complaint ang mga miyembro ng Lakas-CMD laban kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga dahil sa pagkakalat umano nito ng walang basehang alegasyon laban sa kapwa mambabatas.

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, walang katotohanan ang mga ipinost ni Barzaga tungkol sa umano’y pulong ng Lakas-CMD kamakailan tungkol sa pagiging state witness ni Leyte Rep. Martin Romualdez.

Dagdag pa niya, hindi rin totoo na poprotektahan ng partido si House Majority Leader Sandro Marcos, pati na rin sina dating Sen. Bong Revilla, Representatives Jayjay Suarez, Roman Romulo, Adiong, at ang paggiit umano ni First Lady Liza Araneta-Marcos kay Sen. Chiz Escudero sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Binigyang-diin ni Adiong na hindi kasapi ng Lakas-CMD si Romulo at wala ito sa nasabing pagpupulong.

Dumalo naman si Majority Leader Marcos upang magpasalamat sa suporta ng partido sa 2026 national budget.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Adiong, seryosong pinag-iisipan ng mga miyembro ng Lakas na magsampa ng ethics complaint dahil sa pagkakalat ng mga kasinungalingan at paninira sa reputasyon ng mga miyembro, lalo na iyong mga hindi dumalo sa pulong.

Nanawagan si Adiong kay Barzaga na ituon ang kanyang panahon sa paggawa ng batas at pagtulong sa kanyang distrito sa halip na magpakalat ng maling impormasyon.