Lumalakas pa ang hinalang smuggled ang karamihan sa pagmamay-ari ng government contractor na Discaya na luxury cars o mamahaling sasakyan na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Customs (BOC).
Ito ay matapos na madiskubre ng customs na walang record ng duties at buwis ang karamihan sa mga ito.
Ayon kay Customs Deputy Chief of Staff Chris Bendijo, nagbibigay ng malakas na presumption na ang mga luxury car ng pamilya Discaya ay smuggled kung may kahina-hinalang import entries, at walang mga dokumento na magpapatunay ng pagbabayad ng duties at buwis.
Kaugnay nito, nagbabala ang customs na maaaring ma-impound ang mga sasakyan sakaling mapatunayang hindi nabayaran ang kaukulang duties at taxes, subalit agad namang ire-release ang mga ito kung may maayos na dokumentasyon.
Samantala, iimbestigahan ng bureau kung paanong na-release ang ilang luxury cars kung may unpaid duties pa ang mga ito at kung paano nairehistro sa Land Transportation Office (LTO).
Muli namang iginiit ng opisyal na wala silang sasantuhin at papanagutin ang sinumang kailangang managot sa kanilang hanay sa posibleng smuggling o pagpuslit ng naturang mga mamahaling sasakyan.