Nagdesisyon na ang mga miyembrong bansa ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang disciplinary proceedings laban kay Chief Prosecutor Karim Khan kaugnay ng mga alegasyon ng sexual assault.
Sa botohan na isinagawa ng isang pangunahing grupo ng mga miyembro ng ICC, 15 bansa ang pumabor na ipagpatuloy ang proseso, dalawa ang nag-abstain, at apat naman ang tumutol, ayon sa mga source na humiling na hindi pangalanan.
Si Khan, na namumuno sa imbestigasyon ng mga kasong war crimes, crimes against humanity, at genocide, ay kasalukuyang naka-leave of absence habang iniimbestigahan ang alegasyon ng non-consensual sexual interaction sa isang abogado sa kanyang opisina na mariing itinanggi ni Khan ang mga paratang.
Kasabay nito lalo pang uminit ang krisis sa ICC dahil sa isyung kinakaharap ng isa sa pinakamataas nitong opisyal, at ang mga parusa mula sa Estados Unidos kaugnay ng mga aksyon ng korte, kabilang ang paglalabas ng arrest warrants laban sa ilang opisyal ng Israel.
Batay sa ulat ng mga imbestigador ng United Nations, may “factual basis” o sapat na batayan ang reklamo ng isang babaeng aide laban kay Khan, at may mga testimonya na sumusuporta sa kanyang pahayag.
Gayunman, ayon sa hiwalay na pagsusuri ng tatlong hukom, hindi sapat ang ebidensya upang mapatunayang totoo ang alegasyon “beyond reasonable doubt.”
Ipinahayag naman ng mga abogado ni Khan na nagkakaisa ang mga hukom sa konklusyon na ‘walang sapat na basehan upang mapatunayang nagkaroon ng misconduct sa tungkulin ni Khan.
Samantala, nanawagan ang ilang African states na itigil na ang proceedings, iginiit na nalinis na si Khan sa mga paratang. Ngunit pinili ng ibang mga bansa, kabilang ang mga pangunahing sumusuporta sa ICC, na ipagpatuloy ang imbestigasyon.
Ang ICC, na may 125 miyembrong bansa, ay nagsisilbing huling hantungan para sa pag-usig ng mga pinakamabibigat na krimen sa buong mundo.











