-- ADVERTISEMENT --

Pinaratangan ng 18 dating kasapi ng Philippine Marines ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) na umano’y tumanggap ng milyon-milyong halaga mula kina dating Senador Antonio Trillanes at dating Rep. Zaldy Co.

Sa isang event sa Club Filipino, ibinahagi ni Atty. Levi Baligod ang affidavit ng mga sundalo na nagsasabing sila mismo ang naghatid ng pera kay Trillanes upang gastusan ang imbestigasyon ng ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa mga sundalo, bilang mga executive assistants ni Co, inutusan umano silang magpalit ng dalawang maleta na naglalaman ng tig-P56 milyon.

Idinagdag pa nila na nang dumating ang mga ICC investigators noong Disyembre 2023, si Trillanes umano ang nagbayad ng lahat ng hotel accommodation, pagkain, sasakyan, at iba pang gastusin ng mga dayuhan.

Tumanggi si Baligod na ipamahagi ang kopya ng affidavit.

-- ADVERTISEMENT --

Pero ilalabas aniya ito pagkatapos maisampa ang reklamo sa Office of the Ombudsman.

Bibigyan din umano ng kopya ang ICC at mga bansang kasapi nito upang patunayang sangkot sa korapsyon ang ilang tauhan ng prosekusyon.

Wala pa namang tugon mula sa kampo nina Trillanes at Co hinggil sa naturang paratang.