Kumpiyansa ang House prosecution panel na sapat ang kanilang mga ebidensya upang mapatunayan ang apat na Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa nalalapit na paglilitis sa Senado.
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, matibay umano ang mga ebidensyang nakalap mula sa iba’t ibang imbestigasyon ng Kamara, kabilang ang usapin sa confidential funds, unexplained wealth, bribery, at umano’y pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor na matagal nang pinaghahandaan ng prosecution team ang kaso at handa silang magprisinta ng karagdagang mga testigo at ebidensya sa Senado.
Samantala, sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na kabilang sa posibleng iharap na ebidensya ang mga dokumento mula sa BIR at Anti-Money Laundering Council kaugnay ng bank transactions ni Duterte at ng kanyang asawa.
Para naman sa bribery case, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua na gagamitin nila ang mga testimonya at ebidensyang nauna nang inilatag sa pagdinig ng Kamara tungkol sa umano’y pamamahagi ng cash envelopes sa ilang opisyal ng DepEd.
Iginiit ni Luistro na nananatiling buo ang kanilang tiwala na mapapatunayan ang lahat ng reklamong isinampa laban sa bise presidente.











