Idineklara ng House Committee on Justice nitong Miyerkules, Marso 18, 2026 na may sapat na batayan ang dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, na magbibigay-daan sa pagsisimula ng pagdinig sa susunod na linggo.
Ayon sa House panel, hindi direktang sinagot umano ni VP Sara ang mga alegasyon laban sa kanya sa kaniyang ”Answer Ad Cautelam,” na inihain bilang tugon sa mga reklamo.
Ang dalawang impeachment complaints ay naglalaman ng mga paratang sa Bise tulad ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at iba pa, kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 million confidential funds at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kaniyang pamilya.Pamilya
Ayon kay House Deputy Minority Leader Leila de Lima, na ang naging sagot ng Bise Presidente ay hindi aniya sumasagot sa mga alegasyon. ‘Wala rin daw paliwanag tungkol sa malversation ng pondo, anomalous disbursements, o sa mga envelopes na ipinamigay sa ilang opisyal ng Department of Education.
Dahil dito, maaari nang ipagpatuloy ng komite ang impeachment hearing proper, kung saan tatalakayin at susuriin ang mga ebidensya at testimonya ng parehong complainants at ni VP Sara.
Bago ang botohan, una nang nilinaw ni House justice panel chair at Batangas Second District Rep. Gerville Luistro, na ang mga alegasyon ay mabigat at nangangailangan ng konkretong sagot. Dagdag pa niya na magsisimula ang pormal na pagdinig sa Marso 25, 2026.
Samantala, inaprubahan ng House of Representatives ang resolusyon na magbibigay-daan sa komite na ipagpatuloy ang impeachment hearings kahit nasa recess. Nakasaad na masususpinde ang mga sesyon ng Kamara at Senado mula Marso 21 hanggang Mayo 3, 2026.











