Tinapos na ng House Committee on Appropriations ang pagdinig sa revised budget ng Department of Public Works and Highways na nagkakahalaga ng ₱625.785 bilyon para sa 2026.
Mas mababa ito ng halos 29 porsiyento mula sa orihinal na ₱881.31 bilyong panukala, matapos ipag-utos ni Pangulong Marcos na alisin ang pondo para sa mga bagong flood control projects.
Ayon kay DPWH Secretary Vivencio Dizon, nabawasan ng ₱255.53 bilyon ang budget upang sundin ang direktiba ng Pangulo at alisin ang mga duplicate na proyekto.
Kabilang sa mga tinanggal ang pondo para sa Flood Management Program, SIPAG at BIP flood mitigation structures, pati na rin ang ilang road projects.
Nag-alala ang ilang mambabatas na maaapektuhan ang mga komunidad na madalas bahain dahil sa pagtanggal ng flood control projects, at nanawagan na masigurong maibabalik ang pondo sa 2027.
Giit naman ni Dizon, dapat magsimula ang tamang pagpaplano sa lokal na antas at nakaayon ito sa mga rehiyonal na plano.
Nilinaw din niya na ang maintenance ng drainage ay kasama pa rin sa budget, at ang tinanggal lang ay ang mga hiwalay na drainage projects.
Para sa mga flagship projects tulad ng Daang Maharlika, sinabi ni Dizon na gagamitin ang hindi nagamit na pondo mula 2024 at 2025 kung maaaprubahan ang 2026 budget.