Sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong araw, ilang beses na sinabi ng dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer na si Gina Acosta na hindi na niya maalala ang ilang detalye kaugnay ng confidential funds na inilaan sa Davao City, noong mga panahong City Mayor pa lamang si Vice President Sara Duterte.
Sa pagtatanong ni House private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan, inusisa si Acosta tungkol sa confidential funds na inilaan para sa Davao City noong mga nakaraang taon.
Ayon sa pagtatanong, tinukoy ang halagang inilaan noong 2019 at 2020. Ngunit sinabi ni Acosta na hindi niya na ito maalala at hindi umano ganoon ang halagang kaniyang nakuha.
Muli siyang tinanong tungkol sa confidential funds noong 2021, ngunit sinabi rin ni Acosta na hindi na niya matandaan ang mga detalye.
Ipinaliwanag niya na may edad na siya kaya nahihirapan na siyang alalahanin ang eksaktong impormasyon.
Nang umabot naman ang pagtatanong sa confidential funds noong 2022, muli ring sinabi ni Acosta na hindi na niya ito maalala.
Sa kabuuan, ilang beses na naging sagot ni Acosta ang “hindi ko na maalala” sa mga tanong tungkol sa halaga ng confidential funds sa mga naturang taon.











