Naitala ang “acutely unhealthy” na kalidad ng hangin sa tatlong lugar sa Metro Manila kasunod ng pag-abot sa bansa ng haze na iniuugnay sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia.
Batay sa monitoring ng DENR-Environmental Management Bureau sa National Capital Region (EMB-NCR) nitong Martes ng gabi, Setyembre 1, nakapagtala ng AQI na 229 sa Don Bosco, Parañaque; 215 sa Las Piñas; at 202 sa Quezon City-Ateneo.
Nasa “very unhealthy” naman ang kalidad ng hangin sa sampung iba pang monitoring areas sa Metro Manila kabilang ang Makati, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina (Parang), Muntinlupa (Filinvest), Quezon City (Commonwealth), San Juan City, Taguig (TUP), at Valenzuela.
Ipinaliwanag ng DENR-EMB na ang usok mula sa mga patuloy na sunog sa Kalimantan ay maaaring naihatid sa Pilipinas ng Southwest Monsoon o Habagat. Maaari pa umanong magpatuloy ang haze hanggang Setyembre 3 habang nananatiling aktibo ang mga sunog.
Samantala, pinapayuhan pa rin ng mga lokal na pamahalaan ang publiko na mag-suot ng face masks kung sakaling lalabas man.










