Magsusumite ng liham si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), Department of Justice (DOJ) at Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang humiling ng freeze order sa mga air assets ni Rep. Zaldy Co na tinatayang nagkakahalaga ng halos Php 5B, batay sa tala ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Ayon kay Dizon, makatutulong ang kanilang hakbang sa isinasagawang imbestigasyon at nasa mga ahensiya at ICI na kung ano ang magiging desisyon sa mga ari-arian ng kongresista.
Kabilang sa mga pagmamay-ari ni Co ang isang Cessna 414A Chancellor na nagkakahalaga ng mahigit Php 40M at nakarehistro sa Misibis Aviation and Development Corp. at Hi-Tone Construction Development Corp., ayon yan sa CAAP.
Kasama rin sa liham ang rekomendasyon na i-freeze ang mga motor vehicles na nakarehistro sa ilalim ng 20 na mga kawani ng DPWH at 6 na kontratista na sangkot umano sa maanomalyang flood-control projects. Batay sa datos ng Land Transportation Office (LTO), umaabot sa mahigit Php 474M ang kabuuang halaga ng mga sasakyan. Ang mga Discaya ang may pinakamarami at may malaking halaga ng mga sasakyan.
Hakbang ito ng departamento upang hindi na mabili at mabenta ang mga naturang sasakyan. Nagbabala rin si Dizon sa mga magtatangkang bibili ng mga ito.
Dagdag pa rito, pagpapaliwanagin ng kagawaran ang 10 kawani na umano’y namumuhay nang marangya sa kabila ng pagiging empleyado ng gobyerno, sangkot sa substandard na proyekto, at umano’h nag-tatamper ng mga dokumentong may kaugnayan sa imbestigasyon.
Binigyan sila ng limang araw upang magsumite ng paliwanag, at posibleng kaharapin ng mga ito ang kasong administratibo o kriminal kung makitaan ng sapat na ebidensya.
Binigyang-diin ni Dizon na wala siyang sisinuhin sa mga pananagutin ang sinomang mapatunayang sangkot sangkot, maging ito’y dating kalihim o undersecretary man.