Matapos ang malaking sunog na sumiklab sa Barangay Catmon, na umabot pa sa Task Force Alpha, nasa kabuuang 494 na pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod ng Malabon.
Ito ay katumbas ng 1,906 na residente na pansamantalang nawalan ng tahanan dahil sa insidente.
Sa ulat na inilabas ng Malabon City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), umaabot sa 1,109 na katao ang kasalukuyang nasa Catmon Evacuation Center.
Bukod pa rito, mayroon ding 182 na indibidwal na nasa Catmon Integrated School, na ginagamit din bilang evacuation center.
Samantala, 551 residente naman ang pansamantalang nanunuluyan sa Acacia Elementary School, habang may 64 na indibidwal ang nasa Tonsuya Covered Court.
Ang lokal na pamahalaan ng Malabon ay patuloy na nagbibigay ng suporta at tulong sa mga residenteng apektado ng sunog.
Kabilang sa mga tulong na ibinibigay ay ang mga hot meals para sa mga biktima, mga portalets upang mapanatili ang kalinisan, mga water refilling stations para sa malinis na inuming tubig, at mga medical teams upang magbigay ng kinakailangang medikal na atensyon.