Ipinalasap ng Golden State Warriors ang ika-siyam na pagkatalo sa Indiana Pacers matapos nitong tambakan ang Eastern Conference defending champion ng 31 big points, 114-83.
Nagawa pa ng Pacers na makipagsabayan sa Warriors hanggang sa ikatlong quarter kung saan sampung puntos lamang ang lalamangan ng GS bago pumasok ang huling yugto ng laban.
GayUnpaman, gumawa ang GS ng 4th-quarter surge at binuhosan ang kalaban ng 39 big points habang napigilan din nito ang Indiana na makagawa ng magandang opensa. Sa huling quarter, tanging 18 points lamang ang naging sagot ng Pacers sa loob ng 12 mins na pagplalaro.
Nagawa ng GS ang panibagong panalo sa kabila ng hindi paglalaro ng superstar ng koponan na si Stephen Curry. Sa halip ay pinangunahan ni Jimmy Butler ang 2022 NBA champion at nagbuhos ng 21 points, 9 rebounds, at pitong assists sa kabuuan ng laban.
Muli ring nagpakita ng impresibong performance ang rookie na si Will Richard na kumamada ng 15 points sa loob ng 19 mins na paglalaro sa hardcourt.
Ito ang ikalawang paghaharap ng dalawang koponan ngayong season kung saan naipanalo ng Pacers ang una, na siya ring pinakauna at bukod-tanging panalo ng eastern conference defending champion sa kasalukuyan.
Sa pagkatalo ng Pacers, nalimitihan lamang ang shooter ng koponan na si Andrew Nembhard sa 14 points, siyam na assists, at dalawang rebounds.











