-- ADVERTISEMENT --

Tatlong taon matapos siyang ma-diagnose na may Motor Neurone Disease (MND), pumanaw na sa edad na 35 ang Irish actor na si Michael Patrick, na napabilang sa cast ng hit series na “Game of Thrones.”

Inanunsyo ng kaniyang asawa na si Naomi Sheehan ang malungkot na balita sa Instagram post nitong Abril 8.

Ayon sa Motor Neurone Disease Association, ang MND ay isang kondisyon na nakaaapekto sa motor neurones—ang mga ugat sa utak at spinal cord na responsable sa paggalaw.

Kabilang sa mga sintomas nito ang panghihina ng kalamnan, muscle cramps, problema sa pagsasalita at komunikasyon, hirap sa paghinga, hirap sa paglunok, pagbabago ng ugali, at iba pa.

May iba’t ibang uri ng MND, na kinabibilangan ng Amyotrophic Lateral Sclerosis (ALS), ang pinaka-karaniwan. Wala pang lunas ang MND, bagama’t may mga therapy at gamot upang makatulong sa pamamahala ng mga sintomas.

-- ADVERTISEMENT --

Sa post, sinabi ni Naomi na naging inspirasyon si Michael sa maraming tao, hindi lamang sa panahon ng kaniyang pakikipaglaban sa sakit kundi sa bawat araw ng kaniyang buhay.

Nagpasalamat din si Naomi sa lahat ng sumuporta sa kanila sa mga nagdaang taon, at tinapos ang kaniyang mensahe sa isang paboritong linya ni Michael na mula sa poet na si Brendan Behan.

Kabilang sa mga naging proyekto ni Michael maliban sa “Game of Thrones” na gumanap siya bilang si Wildling Rioter, ay ang “This Town,” “Blasts from the Past,” “The Spectacular,” “My Left Nut,” at iba pa, base sa IMDb.