-- ADVERTISEMENT --

Ipinatupad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze sa 135 bank accounts at 27 insurance policies ng ilang indibidwal at kumpanya na sangkot umano sa anomalya sa mga flood control projects.

Kinumpirma ni AMLC Executive Director Atty. Matthew David na inaprubahan ng Court of Appeals ang freeze order noong Setyembre 16, apat na araw matapos ang pormal na request ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Epektibo ang freeze order sa loob ng 30 araw at binigyan ang mga bangko ng 24 oras para ipaalam sa AMLC ang natitirang halaga sa mga account.

Kasama sa listahan ang 26 na indibidwal, karamihan ay dating opisyal ng DPWH at ilang kontratista, na nahaharap na rin sa reklamong graft sa Ombudsman.

Kabilang dito sina dating DPWH officials Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, John Michael Ramos, at Ernesto Galang, gayundin sina Ma. Roma Angeline Rimando, Cezarah “Sarah” Rowena Discaya, Pacifico “Curlee” Discaya II, Mark Allan Arevalo, Sally Santos, at Robert Imperio mula sa mga pribadong kumpanya.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa AMLC chief, ang freeze order ay hakbang upang tiyakin ang koneksiyon ng mga ari-arian sa katiwalian, malversation, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Masusundan pa aniya ito ng mga kasong civil forfeiture at money laundering laban sa mga mapatutunayang sangkot.

Tiniyak naman ni DPWH Secretary Vivencio “Vince” Dizon na ito pa lamang ang simula ng proseso ng pagbawi ng nakaw na pondo.

Samantala, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang AMLC sa Ombudsman, BIR, at NBI upang ipagpatuloy ang imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri sa mga transaksiyon ng contractors at paggamit ng mga casino para mailabas ang umano’y bilyun-bilyong pisong nakolekta mula 2023 hanggang 2025.