Kampante si Nicholas Kaufman na nakakatanggap ng maayos na pagtrato si dating Pang. Rodrigo Duterte habang nasa loob ng International Criminal Court (ICC) Detention Centre.
Sa isang panayam, binigyang-diin ng lead counsel ng dating pangulo na maayos ang kaniyang kalagayan sa loob ng pasilidad, sa kabila ng kaniyang edad.
Regular din aniyang sumasalang sa pagsusuri ang kalusugan ng dating pangulo, habang nirerepaso rin ang kaniyang health records kada matapos ang 120 araw.
Una nang kinumpirma ni Kaufman na natanggap na ng Defense team ang kopya ng pagsusuri na binuo ng independent medical team na naatasang sumuri sa kalagayan ng pangulo at tukuyin kung kaya niyang dumalo at manindigan habang dinidinig ang kaniyang kaso.
Tanggap na rin ng Defense panel na sa loob ng pasilidad ipagdiriwang ng dating pangulo ang kapaskuhan, sa kabila ng kanilang plano na muling maghain ng petisyon para sa kaniyang pansamantalang paglaya, matapos matanggap ang kopya ng report.
Samantala, muli ring hinikayat ni Kaufman ang publiko na respetuhin ang ICC at respetuhin ang mga procedure na itinatakda ng international tribunal.











