Mistulang tanggap na ng defense team ni dating Pang. Rodrigo Duterte na magpapasko sa loob ng International Criminal Court (ICC) Detention Centre ang dating pangulo.
Ito ay sa kabila ng plano ni Defense Counsel Nicholas Kaufman na muling maghain ng panibagong apela para sa interim release ng dating Pangulo kapag inilabas na ng accredited panel of medical experts ang resulta ng kanilang pagsusuri sa dating pangulo.
Sa isang panayam, natanong si Kaufman kung pwede nang sabihin na magpapasko si Duterte sa loob ng detention facility, sa kabila ng mga naturang plano.
Sagot ni Kaufman, nakakalungkot mang tanggapin ngunit posibleng ito nga ang mangyayari.
Gayunpaman, maaari naman aniyang bumisita ang mga kaanak ng dating pangulo upang samahan siya sa loob ng ilang oras habang pasko.
Ipinaabot din ni Kaufman ang aniya’y pagnanais ng dating pangulo na magpasko kasama ang kaniyang pamilya at mga malalapit sa kaniya.
Ayon sa batikang abogado, nirerespeto ni Duterte ang desisyon ng ICC at wala siyang planong kontrahin ang huling desisyon na inilabas ng Appeals Chamber nito ukol sa kaniyang pansamantala sanang paglaya.
Para sa mga supporter ng dating pangulo, pinayuhan sila ni Kaufman na kung nais nilang ipakita ang pagsuporta, tuloy lamang na manindigan para sa dating pangulo, at maari lamang aniya silang magpadala ng bulaklak, at anumang regalo, tulad ng nangyari noong kaarawan ng dating pangulo.











