Habang patuloy na nakapiit sa The Hague, Netherlands, iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpopondo ng mga testigo laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang bagong anggulo na ibinahagi ng kanyang lead defense lawyer na si Nicholas Kaufman. Ayon sa abogado, nananatiling positibo ang dating pangulo sa takbo ng kanyang kaso kahit pa may mga nararamdaman itong sakit sa loob ng Scheveningen prison complex.
Samantala, naghain na ng pormal na waiver si Duterte sa Pre-Trial Chamber (PTC) I upang lumiban sa hearing ngayong Biyernes na susuri sa estado ng kanyang detensyon. Tumanggi rin itong humarap kahit via videoconference.
Sa kanyang nilagdaang dokumento, sinabi ni Duterte na buo ang kanyang tiwala sa kanyang ICC legal team para kumatawan sa kanya sa pagdinig.
Halos isang taon nang nakakulong ang dating pangulo matapos maaresto noong Marso 11 dahil sa tatlong bilang ng crimes against humanity.
Nag-ugat ang kaso sa pagkamatay ng 78 na indibidwal sa ilalim ng kanyang kontrobersyal na war on drugs.
Kaugnay nito, nakatakda namang magprisinta ng merito ang depensa ngayong Huwebes.











