Nakakaranas ngayon ng matinding flash flood ang hilagang bahagi ng India kung saan tinangay ang ilang kabahayan, hotels at may gumuhong shops na kumitil na ng apat na katao habang marami ang pinaniniwalaang naipit sa ilalim ng mga debris.
Base sa kumakalat na video online, makikita ang mabilis na pag-agos ng tubig na may kasamang mga debris mula sa bundok patungo sa village ng Dharali sa Uttarkashi District ng India.
Maririnig din sa video na nagsisigawan ang mga residente doon dahil sa panic.
Ang biglaan at matinding pagbuhos ng ulan sa maliliit na lugar na kilala sa tawag na cloudbursts ay malimit na nangyayari sa Uttarkashi, na isang Himalayan region na madalas na bahain at makaranas ng landslides tuwing monsoon season.
Ang cloudburst ay may potensiyal na maghasik ng matinding pinsala dahil sa labis na pagbaha at pagguho ng lupa na nakaapekto sa libu-libong katao sa bulubunduking rehiyon.
Batay sa weather agency ng India, tinatayang makakaranas pa ng mas mabibigat na pag-ulan sa rehiyon sa mga susunod na araw.
Nag-abiso na rin ang mga awtoridad doon sa mga eskwelahan na kanselahin muna ang mga klase sa mga apektadong distrito.