Patuloy ngayon ang isinasagawang monitoring ng mga residente at mga operator ng fish cages sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato dahil sa muling paglitaw ng tinatawag na “kamahong” o fish kill sa nasabing lugar.
Tinatayang malaki na naman ang naging epekto nito sa mga operator ng fish cages na kadalasan ay naaapektuhan sa ganitong pangyayari. Dahil dito, napilitan umano ang mga operator na maagang anihin ang kanilang mga tilapia. Dahil sa dami ng naaning tilapia, bumaba ang presyo ng mga ito mula sa dating P150 hanggang P180 kada kilo, naging P50 hanggang P80 kada kilo sa nasabing bayan.
Sa ganitong paraan, inaasahan pa rin ng mga operator na kahit papaano ay makabawi sila ng puhunan at kita. Posible rin umano na mas lumaki pa ang kabuuang pinsalang dulot ng fish kill habang nagpapatuloy pa ang isinasagawang assessment ng Municipal Fishery Office sa lahat ng apektadong operators.
Matatandaang taun-taon nang nararanasan ang fish kill sa Lake Sebu, lalo na tuwing panahon ng tag-ulan, kung kailan madalas nagkakaroon ng oxygen depletion sa lawa — ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga tilapia.