Extension ng bagyo mula sa silangan ng PH, nagdadala ng ulan sa Visayas at Mindanao
Nakaaapekto ngayon ang extension o trough ng isang Tropical Depression na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) o sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Dahil sa kaulapang dala nito, inaasahan ang pag-ulan at maulap na kalangitan sa mga rehiyon ng Eastern Visayas at Caraga, pati na rin sa mga lalawigan ng Davao Oriental, Misamis Oriental, at Camiguin.
Batay sa huling pagtaya ng weather bureau, ang nasabing Tropical Depression ay huling natukoy sa layong 1,920 kilometro sa Silangan ng Southeastern Luzon.
Kasalukuyan itong nagtataglay ng lakas ng hangin na umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna, at may pagbugsong umaabot sa 70 kilometro kada oras habang kumikilos hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, pati na rin ang patuloy na pag-subaybay sa mga babala.
Sakaling pumasok ito sa PAR ay bibigyan ng lokal na pangalang Queenie na magiging ika-17 bagyo sa Pilipinas ngayong 2026.











