-- ADVERTISEMENT --

Tuluyan nang nagbitiw na sa puwesto si Atty. Herbert Matienzo bilang executive director ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque, tinanggap niya ang pagbibitiw ni Matienzo kahapon, Setyembre 3, 2025, dahil sa personal na dahilan.

Ang pagbibitiw ay kasunod ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng PCAB kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa contractor accreditation at flood control projects. Kamakailan, isinailalim ni Roque sa direktang superbisyon ang PCAB at iba pang board ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) upang masusing imbestigahan ang mga alegasyon ng conflict of interest at abuso sa kapangyarihan.

Kasabay nito, nagsimula na rin ang revamp sa ahensya, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, bilang tugon sa mga anomalya sa proyekto ng gobyerno na nagdulot ng perwisyo sa mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bago ang pagbibitiw, iniulat na binawi ng PCAB ang lisensya ng siyam na construction firms na konektado sa negosyanteng si Sarah Discaya, na sangkot umano sa mga anomalya sa flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Senado, binatikos ang PCAB dahil sa umano’y corporate recycling, kung saan ang mga blacklisted na kumpanya ay muling nakakapag-operate sa ilalim ng bagong pangalan.

Ayon kay Sec. Dizon, isasailalim sa malawakang revamp ang PCAB bilang tugon sa mga problemang lumutang sa mga proyekto ng gobyerno.

Aniya, ang mga depektibong flood control projects ay naging sanhi ng matinding perwisyo sa mga mamamayan sa Bulacan, Metro Manila, at iba pang rehiyon.