Pinangalanan na ni dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, ang mga senador, kongresista, at opisyal ng gobyerno na sangkot umano sa kickbacks mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kabilang sa mga isinangkot ni Bernardo sa kanyang sinumpaang salaysay ay sina Senator Chiz Escudero, dating Senators Ramon “Bong” Revilla Jr., Nancy Binay, Congressman Elizaldy Co, at DepEd Undersecretary Trygve Olaiver.
Ibinunyag ni Bernardo na sinabi sa kanya ni dating District Engineer Henry Alcantara na hinihingan siya ni Cong. Co ng 25% na komisyon mula sa proyekto, kung saan aniya 2% ay paghahatian nila ni Alcantara.
Isiniwalat din ni Bernardo na tuwing magdadala ng pera si Alcantara, ipinapaalam umano nito na iyon ay para sa “commitment” sa kongresista.
Isinangkot din ni Bernardo si Escudero, kung saan iginiit niya na siya mismo ang nag-abot ng P160 milyon, katumbas ng 20% ng P800 milyong halaga ng mga proyektong pamahalaan, sa kaibigan at campaign contributor ni Escudero, na umano’y nakalaan para kay Escudero.
Ikinuwento ni Bernardo na personal siyang nagsumite ng listahan ng mga proyekto kay Maynard Ngu, kabilang ang ilang nakalaan para sa Valenzuela at Marinduque, na kalaunan ay naisama sa General Appropriations Act (GAA).
Nakaladkad din sina dating Senadora Nancy Binay at Bong Revilla.
Ayon kay Bernardo, noong 2024, nakipagkita siya kay Revilla at nagbigay ng listahan ng mga proyekto na ipinasa sa kanya ni Engr. Alcantara.
Humiling si Revilla ng komisyon at pinayagan ang 25% mula sa kabuuang halaga ng proyekto, na tinatayang P125 milyon.
Ipinaliwanag ni Bernardo na siya ang tumanggap ng perang nakolekta ni Alcantara at siya rin ang naghatid nito sa bahay ni Revilla sa Cavite.
Binanggit din niya na ang karagdagang kontribusyon ay para sa muling pagtakbo ni Revilla sa Senado.
Gayundin, sinabi ni Bernardo na noong 2024, tinawagan siya ni Carleen Villa, staff at matalik na kaalyado ni Sen. Nancy Binay, hinggil sa isang commitment na itinakda sa 15% ng kabuuang halaga ng proyekto, na tinatayang P37 milyon.
Ipinahayag ni Bernardo na siya rin ang naghatid ng perang nakolekta ni Alcantara kay Sen. Binay sa isang bahay sa Quezon City.
Nasangkot din si Olaiver kung saan sinabi ni Bernardo na bago maging Usec. ng DepEd, si Olaiver ay nagtrabaho sa mga opisina nina dating Sen. Revilla at Senador Angara.
Noong 2024, personal umano siyang tinawagan ni Olaiver para talakayin ang mga Unprogrammed Appropriations na sinasabing para sa Office of the Executive Secretary, at hiniling na magsumite si Bernardo ng listahan ng mga proyekto.
Sinunod ni Bernardo ang utos at humiling sa Bulacan 1st District Engineering Office na ihanda ang listahan.
Ayon sa affidavit, inihanda ni Engr. Alcantara ang listahan ng mga proyekto na nagkakahalaga ng P2.85 bilyon.
Ipinahayag umano ni Olaiver na ang “commitment” ay 15%, na tinatayang P427.5 milyon.
Idinagdag ni Bernardo na si Alcantara ang kumolekta at naghatid ng pera sa kanya, at siya rin ang naghatid o nagpahahatid ng naturang halaga kay Olaiver sa Magallanes, Makati, at iba pang lugar.