Inihayag ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na bukas o ‘willing’ si former Department of Public Works and Highways Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara ibalik ang umano’y mga nakuha nitong pera mula sa flood control projects.
Ayon kay Justice Secretary Remulla, base sa inisyal nilang pag-uusap, nagpapakita aniya si Alcantara ng ‘gestures’ o ‘willingness’ para sa ‘restitution’.
Ito’y matapos ang unang parte o hakbang ng kagawaran sa pagproseso ng sinumpaang salaysay ni Alcantara sa hiling nito mapabilang sa Witness Protection Program.
Kahapon kasi ay personal pang idinala ng kalihim ang naturang dating opisyal sa Department of Justice upang sumalang sa inisyal na ebalwasyon ng aplikasyon sa programa.
Kaya’t para ilantad o ibahagi pa nito ang mga nalalaman ukol sa isyu, aniya’y paghahandaan ng kagawaran ang mga tanong para kay Alcantara.
Bunsod nito’y naninindigan pa rin si Justice Secretary Remulla na hindi aniya nila tatanggalin ang ‘restitution’ bilang kondisyon sa mga nais mapabilang sa ‘witness protection program’.
Naniniwala ang kalihim na ito umano ang gusto ng publiko na maisauli ng mga sangkot ang kanilang mga nakuhang yaman mula sa maanomalyang flood control projects.
Habang sa kasalukuyan ay nasa apat katao na ang mga humiling ng proteksyon. Ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, Brice Hernandez at Henry Alcantara na kapwa mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways.
Sa nagpapatuloy na kaliwa’t kanang imbestigasyon hinggil sa kontrobersiya, hindi pa rin tiyak kung kalian o maaprubahan ang aplikasyon ng mga nabanggit para mapabilang sa ‘Witness Protection Program’.
Ayon sa kagawaran, dadaan pa ito sa masusing ebalwasyon bago tuluyang maikunsiderang testigo ng estado para sa imbestigasyon.
Gayunpaman binigyang diin ni Justice Secretary Remulla na makasesegurong mabibigyan proteksyon ang sinumang lumapit o lumantad upang tumayo bilang testigo.